2018 Miss Universe Catriona Gray binigyan ng parangal sa Senado

Photo: Jan Escosio

Mainit ang pagtanggap sa Senado kay 2018 Miss.Universe Catriona Gray.

Tatlong resolusyon nina Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Sen. Nancy Binay ang ipinasa para kilalanin ang pagkakasungkit ni Gray ng pang-apat na korona ng Pilipinas ng taunang beauty pageant sa Thailand noong nakaraang Disyembre 17.

Sa naging mensahe ni Sotto, sinabi nito na kilala ang Pilipinas sa larangan ng beauty pageant at ito ang maipagmamalaki ng bawat Filipino.

Ngunit aniya ang kilalanin bilang Miss Universe ay may idinudulot na kakaibang karangalan sa lahing kayumanggi.

Sa naging tugon naman ni Gray, sinabi nito na labis siyang nasisiyahan at sa wakas ay naibabahagi na niya ang kanyang tagumpay sa mga Filipino matapos ang dalawang buwan.

Nanawagan din siya ng patuloy na pagsuporta sa kanyang mga adbokasiya, partikular na ang pangangalaga sa kapakanan ng mga bata.

Game rin na nagpakuha ng litrato si Gray sa mga miyembro ng Senado, kanilang mga staff at mga miyembro ng media.

Read more...