Tumanggi si Misuari na magpasok ng plea dahilan para ang korte na mismo ang nagpasok ng not guilty plea sa isinagawang arraignment ng 3rd division ng anti-graft court.
Sa Miyerkules pa dapat, Feb. 27 naka-schedule ang arraignment, pero umapela ang kampo ni Misuari na agahan ito dahil sa nasabing petsa ang departure ni Misuari patungong Abu Dhabi.
Samantala, inatasan naman ng korte si Misuari na maglagak ng P920,000 na travel bond para sa kaniyang nakatakdang pagbiyahe sa United Arab Emirates at sa Kingdom of Morocco.
Sa kaniyang itinerary na isinumite sa Sandiganbayan, aalis si Misuari bukas, araw ng Miyerkules patungong Abu Dhabi at pagkatapos ay magtutungo sa Morocco sa March 11.
Sa pagitan ng March 17 hanggang 20 ang balik sa bansa ni Misuari.
Sa kaniyang pagpunta sa Abu Dhabi sinabi ni Misuari na dadalo siya sa Organization of Islamic Cooperation Summit habang sa Morroco naman ay dadalo siya sa session ng Parliamentary Union of the OIC-Member States.
Sa pagpayag ng korte, sinabi ng Sandiganbayan na ang biyahe ni Misuari at pagdalo sa mga summit ay mahalaga para sa role nito sa peace process.
Nahaharap si Misuari sa dalawang bilang ng kasong graft at malversation sa maanomalyang pagbili ng textbooks noong 2000 hanggang 2001.