Pangulong Duterte at Nur Misuari nagpulong kagabi

Nagkaroon na ng pagpupulong kagabi sina Pangulong Rodrigo Duterte at Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari Malacañang.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, tumagal ng labing limang minuto ang pagpupulong.

Humingi ng paumanhin ang pangulo kay Misuari dahil hindi pa naipatutupad ang pangakong pederalismo.

Saludo aniya ang pangulo sa haba ng pasensya ni Misuari.

Pinapaboran kasi ni Misuari ang pederalismo kaysa sa Bangsamoro Organic Law na lilikha sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Hindi aniya natalakay kagabi ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) at lalong hindi umangal si Misuari sa kakaunting bilang ng MNLF na magiging kinatawan nila sa BTA.

Taliwas ito sa naunang reklamo ng pamunuan ng MNLF na limang puwesto lamang ang nailaan sa kanila habang malaking bahagi ang napunta sa Moro Islamic Liberation Front.

Hindi naman matukoy ni Panelo kung kailan masusundan ang pagpupulong ng dalawa.

Ipinaliwanag rin ng kalihim na pinayagan na rin ng korte si Misuari na makalabas ng bansa.

Si Misuari ay mayroong warrant of arrest dahil sa kasong rebelyon bunsod ng Zamboanga siege noong 2013 at nahaharap rin sa two counts ng graft at malversation of public funds dahil sa maanomalyang pagbili ng education materials noong siya pa ang gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 2000 at 2001.

Matatandaang humihirit si Misuari sa Sandiganbayan na payagang makalabas ng bansa para paunlakan ang imbitasyon ng Organization of Islamic Cooperation na makadalo sa 48th Session ng Council of Foreign Ministers sa Abu Dhabi sa March 1 at 2 at 14th Session ng Parliamentary Union of the OIC sa Morocco sa March 13 at 14.

Target ni Misuari na umalis ng bansa bukas, February 27 at babalik sa March 20.

Read more...