Sa pagdinig kahapon sa The Hague, isa-isang humarap sa mga miyembro ng arbitral tribunal ang mga miyembro ng legal team ng Pilipinas na sina Andrew Loewenstein, Professor Philippe Sands, Lawrence Martin at ang Principal Counsel na si Paul Reichler.
Sa kaniyang presentasyon, nagpakita si Loewenstein ng satellite images ng ginagawang konstruksyon ng China sa Mischief Reef.
Iginiit ni Loewenstein na dahil sa mga aktibidad ng China, malinaw na nilalabag nito ang sovereign rights ng Pilipinas sa mga living at non-living resources na nakapaloob sa Exclusive Economic Zone (EEZ) at continental shelf.
Si Martin naman nagpresinta sa tribunal ng testimonya ng mga mangingisdang Pinoy para patunayan na sila ay pinipigilan ng China na maisagawa ang kanilang ‘traditional fishing activities’ sa palibot ng South China Sea, partikular sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
Malinaw ayon kay Martin sa 1784 map na ang Bajo de Masinloc ay bahagi ng Pilipinas.
Ayon naman kay Sands, marami nang insidente na may mga kumpanyang hindi nakapagsagawa ng exploration sa teritoryo kahit pa sila ay mayroong kontrata na aprubado ng Department of Energy. Maliban dito, sinabi rin ni Sands na ang Ministry of Agriculture ng China ay nagpatupad ng fishing ban mismong sa mga lugar na sakop ng EEZ ng Pilipinas.