Kabilang ang isang college student sa tatlong umanoy tulak ng droga na naaresto sa buy bust operation sa Bohol Lunes ng gabi.
Gayunman ay itinanggi ng tatlong suspek na sangkot sila sa iligal na droga.
Ang mga suspek ay nakilalang sina Bryan Adlaon Sumampong, 21 anyos, Felipe Lusterio, 37 anyos at Edwin Bague, 38 anyos.
Bagamat tumanggi ang estudyanteng si Sumampong, sinabi ng pulisya na bagong pangalan ito sa kalakalan ng droga at nagbebenta ng 250 gramo ng shabu kada linggo at karamihan sa mga customer nito ay mga estudyante rin.
Ayon sa otoridad, dumating si Sumampong sa Getafe pier sa Bohol mula Cordova, Cebu at sinundo ito nina Lusterio at Bague.
Pumunta ang tatlo sa Tagbilaran kung saan sila nagbenta ng P100,000 halaga ng shabu sa undercover agent sa Alfonso Uy Street katabi ng Integrated Bus Terminal.
Nakuha kay Sumampong ang malaking pack ng shabu habang dalawang pack ang narekober kina Lusterio at Bague.
Tinatayang nasa P850,000 ang halaga ng droga na nakuha sa tatlong suspek.