Halaga ng narekober na cocaine, umabot na sa P871M

Phil. Coast Guard photo

Umabot na sa mahigit-kumulang P871 milyon ang halaga ng mga narekober na cocaine mula sa iba’t ibang parte ng bansa sa huling dalawang linggo.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Senior Supt. Bernard Banac, sa huling tala hanggang February 24, aabot na kabuuang P871,654,226 ang halaga ng 164.819 kilo ng cocaine.

Ito ay mula sa unang nadiskubreng bloke ng cocaine noong February 10.

Nagkaroon ng 16 na hiwa-hiwalay na pagkakadiskubre ng mga kontrabando sa ilang probinsya.

Sa press conference sa Camp Crame, sinabi ni Banac na binabantayan ng mga imbestigador ang posibleng pagkakasangkot ng ilang international drug syndicate rito.

Kabilang dito ang Sinaloa Drug Cartel, Golden Triangle Syndicate at ilang Chinese groups.

Phil. Coast Guard photo

Dalawang anggulo rin aniya ang tinitignan ng mga imbestigador sa mga nadiskubreng ilegal na droga.

Posible aniyang ginagamit ito bilang decoy ng drug syndicates para ipasok ang shabu sa bansa o ginagamit ang Pilipinas bilang transshipment point.

Muli namang umapela ang PNP sa publiko na agad i-report o isuko ang mga makikitang kahina-hinalang package sa mga baybaying-dagat.

Read more...