Duterte, nanguna sa bagong Pulse Asia survey sa NCR

 

Inquirer file photo

Nanguna si Mayor Rodrigo Duterte sa pinakahuling survey na ginawa ng Pulse Asia Research Inc. sa Metro Manila.

Pumatok si Duterte sa mga upper at middle class, maging sa mga mahihirap bilang kanilang pambatong maging susunod na pangulo ng bansa.

Lumalabas na isa sa bawat tatlong botante o 34% sa mga taga-Metro Manila ang nagsabing iboboto nila si Duterte kung isinagawa ang eleksyon ngayong buwan.

Sinundan naman siya sa listahan ni Sen. Grace Poe na nakakuha ng 26%, Vice President Jejomar Binay na may 22%, dating Interior Sec. Mar Roxas sa 11% at Sen. Miriam Defensor Santiago na may 7%.

Ikinatuwa naman ito ni Duterte, pero aminado siyang ipinagtataka niya pa rin kung bakit pinipili ng mga taga Metro Manila ang isang probinsyanong tulad niya.

Aniya, masaya siyang manguna sa survey o kahit pa matapatan man lamang si Poe, dahil siya ay tumatakbo ayon sa prinsipyo at ayaw niyang may gumugulo sa Konstitusyon.

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga respondents ang mga pangalan nina Binay, Duterte, Poe, Roxas at Santiago at pinapili sila kung sino ang kanilang ibobotong maging Pangulo ng Pilipinas sakaling gaganapin ang eleksyon sa araw din na iyon.

300 katao ang lumahok sa face-to-face interviews na ginawa ng Pulse Asia mula November 11 hanggang 12, dalawang linggo bago tuluyang nagdeklara si Duterte ng kaniyang kandidatura.

Samantala, para naman sa mga vice presidential candidates, si Sen. Francis Escudero ang nanguna bunsod ng 32% na botong nakuha niya.

Sinundan naman siya ni Sen. Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng 24%, Sen. Alan Peter Cayetano na may 20%, Camarines Sur Rep. Leni Robredo na may 10%. Sen. Gringo Honasan na may 8% at Sen. Antonio Trillanes na nakakuha lamang ng 4%.

Ayon sa Pulse Asia, lumalabas na statistically tied sina Marcos (24%) at Cayetano (20%).

Read more...