Humingi ng kapatawaran si Pope Francis, mga Cardinal, mga Obispo at iba pang Church leaders sa kanilang mga naging pagkukulang bilang tagapangalaga ng Simbahan at ng mga kabataan.
Sa ikatlong araw ng sex abuse summit o ang “Protection of Minors” Meeting, isang penitential liturgy ang isinagawa ng mga lider ng Simbahang Katolika.
Hiningi ng Santo Papa at mga obispo ang awa ng Panginoon sa mga nagawang kasalanan ng mga miyembro ng kaparian sa mga kabataan.
Sinimulan ang aktibidad sa pamamagitan ng hymn of penance, penitential psalm at ang pagbasa sa ‘Parable of the Prodigal Son’ mula sa Mabuting Balita ni San Lucas.
Sa kanyang reflection, sinabi ni Ghana Archbishop Philip Naameh na bigo ang kaparian na harapin ang madilim na yugto ng Simbahang Katolika.
Iginiit ni Naameh na bilang mga lider ay dapat sundan ang yapak ng Prodigal Son na marunong umamin sa pagkakamali, humingi ng kapatawaran at handang tanggapin ang mga kabayaran ng pagkakasala.
Dapat anyang pagsumikapang muli na maibalik ang tiwala ng kawan sa mga kaparian at mahimok ang mga ito na makiisang muli sa pagtataguyod sa kaharian ng Diyos.
Ang sex abuse summit ay magtatapos ngayong araw.
Layon nitong wakasan na ang kontrobersiya sa pang-aabuso sa mga kabataan ng ilang miyembro ng kaparian.