PAGASA: Malamig na panahon mararanasan pa rin dahil sa Amihan

Patuloy pa ring nakakaapekto ang northeast monsoon o hanging Amihan sa buong bansa.

Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, dahil sa pag-iral ng Amihan ay mararamdaman pa rin ang may kalamigang temperatura lalo na sa gabi at madaling araw.

Ngayong araw, makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan ang Aurora, Quezon, Bicol Region, Eastern Visayas at Caraga Region.

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay maalinsangan ang panahon at mababa ang tyansa ng pag-ulan.

Samantala, patuloy na binabantayan ng PAGASA ang bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsbility (PAR) na may international name na ‘Wutip’.

Ayon kay weather specialist Meno Mendoza, huling namataan ang bagyo sa layong 1,815 kilometro Silangan ng Visayas.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbusong aabot sa 225 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito sa direksyong Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.

Sinabi ni Mendoza na may posibilidad na pumasok sa PAR ang bagyo sa susunod na linggo.

Read more...