(Update) Idineklara nang fire under control kaninang 6:10pm ang malaking sunog na tumupok sa halos ay 800 kabahayan sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong City.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR) Deputy Director Crispo Diaz na wala namang nai-ulat na namatay sa sunog maliban na lamang sa ilang mga residente na nasugatan at dumanas ng hirap sa paghinga dahil sa makapal na usok.
Ipinaliwanag din ng opisyal na mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa mga light materials ang karamihan sa mga bahay na nakatayo sa lupaing pag-aari ng pamahalaan.
Sa paunang report ng BFP, pasado alas-dos ng hapon kanina ng magsimula nag sunog sa gitna ng mga kabahayan sa Block 32 ng Brgy. Addition Hills.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa lakas ng hangin sa lugar samantalang nahirapan namang pumasok sa fire scene ang mga tauhan ng BFP at mga fire volunteers dahil sa kitid ng mga lansangan.
Hindi rin magawang umatras ng mga naunang rumesponde na trak ng bumbero dahil masyadong masikip ang lugar.
Mas lalo pang lumala ang sitwasyon dahil naubusan ng tubig ang mga naunang fire trucks sa lugar.
Sa kasalukuyan ay nagtayo na rin ng pansamantalang matutuluyan ng mga biktima ng sunog ang lokal na Pamahalaan ng Mandaluyong habang sumaklolo na rin sa lugar ang ilang volunteers ng Philippine Red Cross.