Panukalang kaltas-buwis hindi napapanahon ayon kay Mar Roxas

mar-roxas-meet-inquirer
Inquirer file photo

Hindi pabor si Liberal Party Presidential candidate Mar Roxas na pag-usapan ngayon ang isyu ng tax reform bill.

Sa kanyang pagharap sa Meet the Inquirer Multimedia forum, sinabi ni Roxas na hindi ngayon ang tamang timing sa tax reform bill dahil baka sabihin ng publiko na kaya ibinababa ang buwis ay dahil panahon ng eleksyon.

Ayon ka pa kay Roxas, “Ang tax reform huwag ngayon pag-usapan kasi magiging pa-pogian lamang ang laban”.

Pero ipinagyabang ng dating Interior Secretary na sa hanay ng mga kandidato sa pagka-Pangulo ay siya lamang ang may nagawa para maayos ang tax system sa bansa.

Binanggit nito na siya ang nagpanukala sa Senado noong 2004 na hindi na dapat sinisingil ng buwis ang mga minimum wage earner at aniya na sa ngayon ay pinakikinabangan na.

Giit pa ni Roxas, sakaling siya ang uupo bilang bagong Pangulo ng bansa sa susunod na taon, pabor siya na suriin ang istraktura ng pagbubuwis sa bansa.

Kasabay nito, ibinahagi ni Roxas na sa 2016 national budget ay P800 Billion dito ay gagamitin sa infrastructure projects gaya ng mga kalsada at tulay at aniya ang mga ito ay maipapagawa dahil sa buwis na ibinayad ng mamamayan.

Read more...