Itinaas na kanilang 4:30pm sa General Alarm ang malaking sunog na kasalukuyang lumalamon sa mga kabahayan sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong City.
Sa paunang report ng Bureau of Fire Protection, pasado alas-dos ng hapon kanina ng magsimula nag sunog sa gitna ng mga kabahayan sa Block 32 ng Brgy. Addition Hills.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa lakas ng hangin sa lugar samantalang nahirapan namang pumasok sa fire scene ang mga tauhan ng BFP at mga fire volunteers dahil sa kitid ng mga lansangan.
Sa report ng Radyo Inquirer, hindi rin magawang umatras ng mga naunang rumesponde na trak ng bumbero dahil masyadong masikip ang lugar.
Mas lalo pang lumala ang sitwasyon dahil naubusan ng tubig ang mga naunang fire trucks sa lugar.
Sa kasalukuyan ay nagtayo na rin ng pansamantalang matutuluyan ng mga biktima ng sunog ang lokal na Pamahalaan ng Mandaluyong habang sumaklolo na rin sa lugar ang ilang volunteers ng Philippine Red Cross.
Hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay malaki pa rin ang apoy na tumutupok sa mga kabahayan sa Blocks 22, 23, 24 at 32 ng Brgy. Addition Hills sa nasabing lungsod.