Naaresto ng mga otoridad Huwebes ng gabi si John Rondolf Ruperto, 25 taong gulang, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 23 ng Trece Martires.
Halos isang taong nagtago si Ruperto.
Si Ruperto ay isa sa 3 suspek sa pagpatay sa makeup artist na si Dindo “Sugar” Malig sa General Trias noong Nobyembre 12, 2017.
Gamit ang martilyo pinukpok ang biktima sa ulo , pinagsasaksak, at ninakawan pa bago itinapon sa damuhan.
Hindi naman itinanggi ni Ruperto ang ginawang krimen. Ayon sa suspek, gusto umano ng biktima na may mangyari sa kanila at lasing na lasing siya kaya noong pinuwersa sya ay pinalo niya.
Noong Disyembre 2017 ninakawan din ni Ruperto ng halos P400,000 ang kaniyang tiyahin na kinupkop sa kanya sa Las Piñas.
Inamin din niya ang pagnanakaw sa tiyahin na si Thelma Amante. Kinailangan umano niya ng pera para pambili ng droga.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong robbery with homicide at qualified theft. Inaalam na rin ng mga otoridad kung may kinasasangkutan pa siyang ibang krimen.