Legalidad ng Biometrics campaign ng Comelec kinuwestyon sa Supreme Court

supreme-court
Inquirer file photo

Dumulog na sa mataas na Hukuman ang Kabataan party-list para kwestiyunin ang constitutionality ng “No Bio, No Boto” campaign ng Comelec.

Sa kanilang 32-pahinang petition for certiorari and prohibition, sinabi ni Kabataan party-list Rep. Terry Ridon na umaabot sa mahigit sa tatlong milyong mga botante ang nawalan ng karapatang bumoto dahil sa nasabing Biometrics campaign.

Ipinaliwanag rin ng mambabatas na ang R.A 10367 na may titulong “An Act Providing for Mandatory Biometrics Voter Registration” ay tuwirang pagbalewala sa karapatan ng mga botante na ginagarantiyahan ng ating Saligang-Batas.

Binanggit ni Ridon ang nilalaman ng Article V, Section 1 ng 1987 Constitution na “Ang karapatan sa halal ay maaaring gampanan ng lahat ng mga mamamayan ng Pilipinas na hindi inalisan ng karapatan ng batas, na labingwalong taong gulang man lamang, at nakapanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon man lamang, at anim na buwan man lamang sa lugar na kanilang bobotohan kagyat bago maghalalan. Walang dapat ipataw na literasi, ari-arian o iba pang substantibong kinakailangan sa pagganap ng karapatan sa halal”.

Binanggit din ni Ridon na bigo ang Comelec na maipatupad ang kanilang “No Bio, No Boto” campaign dahil umabot lamang sa 3,599,906 voters ang kanilang napaglingkuran na halos kalahati lamang ng kanilang target na bilang.

Nauna dito ay kinuwestyon din ng Kabataan Partylist ang October 31 2015 deadline ng nasabing kampanya.

Sa kanilang naunang petisyon ay kanilang ipinaliwanag na base sa umiiral na Election Omnibus Code, 120-days bago ang mismong araw ng halalan ay pwede pang magpa-rehistro ang isang bontante.

Kung susundin ang nasabing batas pwedeng magparehistro ang isang bontante nang hanggang sa unang linggo ng buwan ng Enero 2016.

Read more...