Chinese student na nagtapon ng taho sa pulis, hindi kukunsintihin ng China

Saludo si Chinese ambassador to the Philippines Zhao Jinhua sa pulis Mandaluyong dahil sa mahinahon na pagtugon sa isang Chinese student na nagsaboy sa kanya ng taho sa MRT Boni station.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ipinaabot ni Zhao ang mensahe sa pulong nito kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malakanyang.

Ayon kay Panelo, napanaood mismo ni Zhao ang video kung saan sinabuyan ng taho ni Zhang Jiale si PO1 William Cristobal matapos sitahin na bawal sa loob ng MRT ang dala nitong pagkain.

Iginiit aniya ni Zhao na hindi kinukunsinti ng gobyerno ng China ang mga inasal ng kanilang mamamayan.

Hinimok pa aniya ni Zhao ang gobyerno ng Pilipinas na parusahan ang sinumang dayuhan na lumalabag sa batas ng Pilipinas.

Ayon kay Zhao, hindi rin kinukunsinti ng pamahalaan ng China ang mga pasaway na dayuhan.

Kasabay nito, sinabi ni Panelo na muling inimbitahan ni Zhao si Pangulong Duterte na dumalo sa belt and road forum na gaganapin sa China sa buwan ng Abril.

Read more...