Nagpaabot ng pakikiramay ang Malakanyang sa mga naulila ng National Artist for Architecture na si Francisco “Bobby” Mañosa.
Pumanaw si Mañosa sa edad na 88 kahapon, araw ng Miyerkules.
Si Mañosa ay ginawaran ng Order of National Artist sa larangan ng Architecture ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.
Sa pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na inialay ni Mañosa ang kaniyang buhay sa pagsusulong sa indigenous Filipino materials sa kaniyang mga likha.
Ayon kay Panelo, sikat na nationalist si Mañosa dahil sa kanyang pamosong linya na “I Design Filipino, Nothing Else”.
Sinabi ni Panelo na mananatiling buhay ang legacy na iniwan ni Mañosa.
Kabilang sa mga iconic na likha ni Mañosa ay ang Coconut Palace na ginagamit ngayong opisina para sa bise presidente ng bansa.