Lalaki arestado matapos magbantang ipo-post online ang hubad na larawan ng ex-GF

Arestado sa San Juan City ang isang lalaki na nanghihingi ng P50,000 mula sa 18-anyos na ex-girlfriend niya para hindi umano ipost ang hubad na larawan nito online.

Sa ulat ng San Juan City Police Station, ang suspek ay kinilalang si John paul Solaño. Dinakip din ang kasabwat ni Solaño na si Joseph Roque.

Ayon sa mga otoridad, tinakot nina Solaño at Roque ang babae na ipopost ang mga larawan nito kapag hindi nagbigay ng pera.

Kung papayag naman ang biktima sa hinihinging pera ay agad umano nilang ide-delete ang kopya ng mga larawan.

Humingi naman ng tulong sa mga otoridad ang biktima at nagkasa ng entrapment operation laban sa dalawa sa harap ng Salapan Elementary School.

Dinakip ang dalawa matapos tumanggap ng P2,000 na marked money.

Nakakulong ngayon sa San Juan City police headquarters ang mga suspek at nahaharap sa reklamong paglabag sa paglabag sa Anti-Voyeurism Act at robbery extortion.

Read more...