Binalaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko ukol sa sadyang pagsira, pagpunit, o pagsunog sa mga salapi ng bansa.
Sa isang pahayag araw ng Martes, sinabi ng BSP na sinumang sumira sa mga salaping papel at barya ay mahaharap sa multa na hindi hihigit sa P20,000 o hindi kaya ay pagkakabilanggo na hindi hihigit sa limang taon.
Iginiit ng BSP na ang mga salaping papel at barya ay inilabas sa sirkulasyon upang gamitin bilang pambayad at panukli at ang paggamit sa mga ito para sa iba pang layunin ay hindi nagpapakita ng paggalang na naaangkop para sa salapi ng bansa.
Ayon sa BSP, ang mga sumusunod na gawain ay halimbawa ng ipinagbabawal na pagsira ng salapi:
- pagsusulat o paglalagay ng mga marka sa mga salaping papel at mga barya
- sadyang pagpunit, pagsunog, o pagsira, sa anumang paraan, ng salapi ng Pilipinas
- labis na pagtupi o paglukot ng mga salaping papel na maaaring magdulot ng pagkalupaypay at pagkasira ng istraktura nito
- sadyang pagbabad ng mga salaping papel o mga barya sa mga kemikal na maaaring magdulot ng pagkasira ng mga ito
Pinaalalahanan din ng Bangko Sentral ang publiko na bawal ang pag-staple at pagdikit ng anumang bagay sa mga salaping papel at barya.
Sinumang may impormasyon tungkol sa pagsira ng salapi ay hinihimok na makipag-ugnayan sa pulisya at sa Currency Management Sector ng BSP sa telepono bilang (02) 988-4833 at (02) 926-5092.