Tinupok ng apoy ang tinatayang 30 mga barung-barong sa sunog na sumiklab sa Inayawan Sanitary landfill sa Sitio White Road, Barangay Inayawan, Cebu City.
Ayon kay Chief Inspector Noel Nelson Ababon, Cebu City Fire Marshall, nagsimula ang sunog alas 6:47 ng gabi ng Linggo (Feb. 17) at naideklara itong fire out alas 5:18 na ng umaga kanina (Feb. 18).
Sa pagtaya sinabi ni Ababon na aabot sa P200,000 ang halaga ng mga natupok na ari-arian.
Sa ngayon, inaalam pa aniya kung ano ang pinagmulan ng apoy na angsimula sa bahay ng isang Alex Ybiernas.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na mabilis kumapat dahil ang mga bahay sa lugar ay pawang gawa sa light materials. Lumaki din agad ang apoy dahil sa mga basura na nasa landfill.
Pansamantala namang namamalagi sa Inayawan gym ang mga nasunugan.