DA, ipinag-utos ang pansamantalang ban sa mga karneng baboy mula Vietnam

Photo grab from Sec. Manny Piñol’s Facebook page

Ipinag-utos ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang pansamantalang ban sa pagpasok ng pork products mula sa Vietnam.

Sa inilabas na pahayag sa kanyang Facebook page, sinabi ni Piñol ang kautusan makaraang mapag-alamang positibo sa African Swine Fever (ASF) ang mga naturang produkto mula sa Vietnam.

Inirekomenda ang temporary ban ni Bureau of Animal Industry (BAI) Director Dr. Ronnie Domingo kasunod ng mga ulat sa Taiwan.

Kinumpirma ng quarantine officials sa Taiwan na positibo sa ASF ang pork products sa Vietnam.

Habang hinihintay na mapirmahan ang memorandum bukas, araw ng Lunes, ipinag-utos ng kalihim sa BAI na epektibo na ang ban simula sa araw ng Linggo (February 17).

Dagdag pa ni Piñol, isa ang Pilipinas sa mga piling bansa sa mundo na ligtas mula sa livestock diseases kabilang na ang Foot and Mouth Disease.

Sa ngayon, ang Vietnam ang pinakabago sa listahan ng mga bansang hindi maaaring makapag-import ng pork at pork products sa Pilipinas dahil sa ASF.

Read more...