Pinatumba ni Dave Peñalosa ang kalabang si Marcos Cardenas ng Mexico sa 4th round para makuha ang bakanteng WBO Oriental featherweight title sa main event ng ESPN fight card sa Skydome ng SM North EDSA.
Ayon kay Peñalosa, nagbunga ang lahat ng kanyang paghihirap matapos maging kampeon sa ring.
Si Peñalosa, anak ni dating two-time world champion Dodie Boy Peñalosa ay nagpakitang gilas sa mga unang rounds pa lamang ng laban.
Sa ikaapat na round ay tatlong beses napatumba ng Pinoy champion si Cardenas at sa natitirang 2:47 minuto ay itinigil ng referee ang laban.
Dahil sa panalo ay nagtala na si Peñalosa ng kartadang 15-0, 11 dito ang knockouts.
Samantala, sa undercard fight ay isa pang knockout win ang ipinamalas ng isa pang Filipino boxer sa katauhan ng pinsan ni Dave na si Carlo Peñalosa.
Pinatumba naman ni Carlo ang kalaban na si Watana Phenbaan ng Thailand sa third round ng kanilang laban para maging WBO Oriental featherweight champion.
Matinding banat sa katawan ang ibinigay ni Carlo sa kanyang kalaban na tumapos sa boksing sa nalalabing 2:22 minuto sa ikatlong round.
Dahil sa panalo ay may record na ngayon si Carlo na 14-1 na may pitong knockouts.