Sa isang pahayag araw ng Sabado, sinabi ng kagawaran na nakatanggap sila ng ulat na may isang indibidwal na nagpakilalang pinsan ng kalihim sa isang branch ng Land Transportation Office (LTO) sa Novaliches.
Binalewala umano ng nasabing indibidwal ang pila at ginamit ang pangalan ni Tugade para mapabilis ang proseso ng kanyang mga dokumento.
Ayon sa DOTr, iniimbestigahan na nila ang insidente at nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad para sa kaukulang aksyon laban sa taong na nasa likod nito.
Iginiit ng kagawaran na hindi kinukonsinte ni Tugade ang ‘corrupt practices’ lalo na ang hindi awtorisadong paggamit ng kanyang pangalan.
Mariin umanong kinokondena ng DOTr ang ganitong mga gawain.
Bukod sa pagbabala ay nanawagan ang DOTr sa publiko na i-report sa kanila ang mga kahina-hinalang aktibidad o indibidwal kung saan nagagamit ang pangalan ni Tugade o sinumang opisyal ng kagawaran.