Retiradong cardinal sa US, hinatulang guilty sa pag-abuso sa mga kabataan

AP photo

Kinumpirma ni Pope Francis ang pagtanggal sa pagka-pari ni Theodore E. McCarrick, 88 anyos na dating cardinal at arsobispo ng Washington.

Sa anunsyo ng desisyon ng Vatican araw ng Sabado, si McCarrick ay hinatulang guilty ng “solicitation in the sacrament of confession and sins against the Sixth Commandment with minors and with adults, with the aggravating factor of the abuse of power.”

January 11 nang hatulan si McCarrick na guilty ng panel ng Congregation for Doctrine of the Faith.

Inapela ni McCarrick ang desisyon pero ibinasura ito noong February 13 at ipinaalam sa kanya ang hatol noong February 15.

Ayon sa Vatican, kinilala ng Santo Papa na ang desisyon ng congregation ay alinsunod sa batas.

Dahil dito, tinanggal kay McCarrick ang lahat ng kanyang karapatan at tungkulin na may kaugnayan sa pagiging pari, hindi na ito pwedeng magpakilala bilang pari at bawal ng magsagawa ng mga sakramento liban sa pagbibigay ng absolution for sins sa taong nasa bingit na ng kamatayan.

Nag-ugat ang kaso ni McCarrick sa reklamo ng isang lalaki na umanoy kanyang inabuso noong 1971 noong ito at 16 anyos na sakristan sa New York.

Noong July 2018 ay tinanggap ni Pope Francis ang resignation ni McCarrick at inutusan itong magkaroon ng “life of prayer and penance.”

Pero sa sumunod na mga linggo ay isa pang lalaki ang lumantad na umanoy inabuso rin ni McCarrick noong ito ay bata pa gayundin ang paglantad ng iba pang seminarians na naging biktima ng sexual harassment ng cardinal sa beach house sa New Jersey.

AP photo

Si McCarrick ay naging pari noong 1958 sa Archdiocese of New York at naging obispo noong 1981.

Makalipas ang 5 taon ay naging arsobispo ito at naging cardinal noong 2001.

Read more...