Patuloy sa pagtaas ang bilang ng mga nagkakaroon ng tigdas sa bansa sa nakalipas na mga linggo ayon sa Department of Health.
Sa kanilang bilang, mula January 1 hanggang February 13 ay umakyat na sa 6,921 ang bilang ng mga nagkatigdas ay pinakamari dito ang mula sa Metro Manila sa bilang na 1,752.
Ibinalita rin ni Health Sec. Francisco Duque III na umakyat na sa 115 ang bilang ng mga namatay dulot sa iba’t ibang kumplikasyon na dulot ng tigdas.
Sinabi pa ni Duque na tumaas rin ang bilang ng mga nahawa sa nasabing sakit sa Region 4A sa bilang na 1,653.
Ito rin ang dahilan kung kaya’t magiging bukas kahit na sa mga araw ng Sabado at Linggo ang mga health centers dito sa Metro Manila.
Maliban dito ay sinabi ni Duque na araw-araw pa ring mag-iikot sa mga barangay ang mga health officers ng bawat local government units para sa kampanya kontra tigdas.
Sa isang infomercial ay mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang umapela sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa nasabing uri ng sakit.