Duktor patay sa pamamaril sa Laguna

Patay sa pamamaril ang isang duktor sa bagong private hospital sa Bay, Laguna.

Ayon kay Chief Insp. Arlen Abastillas, hepe ng Bay police, pasakay na sa kanyang sports utility vehicle (SUV) ang biktimang si Dr. Roderick Mujer nang biglang pagbabarilin sa tapat ng ospital pasado alas singko, Huwebes ng hapon.

Si Mujer ay vice president ng Global Care Medical Center sa Barangay Maitim.

Nagtamo ang biktima ng multiple bullet wounds at idineklarang dead on arrival sa HealthServ Medical Center sa Los Baños.

Ayon kay Abastillas, dinala sa Los Baños ang biktima dahil kulang sa mga aparato ang Global Care para sa operasyon.

Dati aniyang nagtrabaho si Mujer sa ibang pribadong ospital sa Calamba at nakipag-usap sa ibang duktor para itayo ang Global Care.

Ayon sa pulisya, posibleng may kinalaman sa negosyo ang pagpatay sa duktor.

Sinabi naman ng opisyal na patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ukol sa insidente.

Read more...