Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na dadalhin nila sa mga malls sa buong bansa ang kanilang registration booths para mas madali sa mga botante ang makapagpakuha ng kanilang biometric records.
Ayon kay Bautista, lalagda sila sa isang Memorandum of Understanding (MOU) sa Ayala Corporation para makapaglagay ng satellite registration booths sa lahat ng Ayala Malls sa buong bansa.
Sinabi ni Bautista na may kapareho na rin silang kasunduan sa Robinsons at ang susunod naman nilang kakausapin ay ang pamunuan ng SM.
“Ang gusto ko sana, mapadali ang proseso, may mga tao kasing sobrang busy talaga, kaya ilalapit namin ang proseso sa kanila,” sinabi ni Bautista.
Sinabi ni Bautista na mabilis lang naman ang proseo ng pagkuha ng biometrics dahil kukuhanan lang ng larawan, fingerprint at pirma ang botante.
Ayon kay Bautista mayroong mahigit 4 na milyong botante ang hindi pa nakukuhanan ng biometrics at karamihan sa kanila ay mula sa National Capital Region at sa Region 4.
Aminado rin si Bautista na isa siya sa apat na milyong wala pang biometrics.
Target ng Comelec na sa buwan ng Hulyo ay mauumpisahan na ang paglalagay ng satellite registration booth sa mga malls./ Dona Dominguez-Cargullo