Ipinaaaresto na ng hukuman si Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa dahil sa kasong cyber libel.
Ito ay makaraang makitaan ang merito ang reklamong inihain ng negosyanteng si Wilfredo Keng.
Noong February 12 ay naglabas ng warrant of arrest si Manila Regional Trial Court Branch 45 Presiding Judge Rainelda Estacio-Montesa laban kay Ressa at sa dating reporter ng Rappler na si Reynaldo Santos.
Nag-ugat ang reklamo ni Keng sa isang news article na lumabas sa Rappler noong 2012 kaugnay sa sinasabing pagpapahiram niya ng mamahaling sports utility vehicles kay dating Chief Justice Renato Corona.
Si Corona ay nahaharap noon sa impeachment case.
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Keng na na-update at na-edit pa ang nasabing malisyosong artikulo noong 2014.
Tumanggi rin umano ang pamunuan ng Rappler na alisin sa kanilang website ang artikulo kaya siya ay nagdesisyon na magsampa ng kaukulang reklamo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Bago mag-alas singko ng hapon kanina ay dumating sa tanggapan ng Rappler ang mga tauhan ng NBI at makalipas ang mahigit sa isang oras ay pumayag na sumama sa kanila si Ressa para magtungo sa himpilan ng NBI.
Sinabi ni Justice Sec. Menerdo Guevarra na pwede namang magpiyansa si Ressa habang dinidinig ang kanyang kaso.
Tinawag naman ng Rappler na pangigipit sa press freedom ang pagpapa-aresto kay Ressa.