Hinatulang guilty ng Makati court ang isang Mexican na umano ay high-ranking member ng Sinaloa drug cartel at naaresto sa Pilipinas apat na taon na ang nakararaan.
Habambuhay na pagkakakulong ang hatol ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 63 kay Horacio Herrera at pinatawan din ng multang aabot sa P500,000 hanggang P10 milyon.
Nadakip si Herrera ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) sa isang buy-bust operation sa isang hotel sa Makati City noong January 2015.
Ito ay matapos na makapagbenta siya ng P12 million na halaga ng cocaine sa mga ahente ng PDEA.
Ayon sa mga otoridad, si Herrera ay nasa 3rd to 4th highest ranking member ng Sinaloa cartel pero itinanggi niyang bahagi siya ng drug syndicate.
Si Herrera ay kinatawan ng abugado mula sa Public Attorney’s Office na si Atty. Edward Santiago sa promulgation.
Ang kaniyang abogado kasi ay hindi na nagpakita sa nagdaang mga pagdinig sa kaniyang kaso.
Mayroon ding kinatawan mula sa Mexican Embassy nang ibaba ang hatol.