Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Sison na naaawa siya kina Justice Sec. Menardo Guevarra at Manila Judge Marlo Madoga-Malager dahil sa pagiging ignorante sa international laws.
Halata aniyang sumunod lang ang dalawa sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya siya pinadalhan ng summon upang umuwi ng Pilipinas at humarap sa korte.
Ayon kay Sison, walang saysay at walang bisa ang summon dahil siya ay recognized political refugee sa Netherlands at protektado siya sa ilalim ng Refugee Convention at Article 3 ng European Convention on Human Rights.
Sa nasabing mga batas, sinabi ni Sison na hindi siya pwedeng ipadeport sa Pilipinas o kahit saang third country.
Subok na aniya ang tinatamasa niyang legal protection at katunayan ay naialis na rin ang kaniyang pangalan sa terrorist list ng European Union.
Tinawag ding malisyoso ni Sison ang utos na siya ay humarap sa korte na aniya ay bahagi naman ng “cheap political maneuver” ng “rehimeng Duterte”.
Pagyayabang pa ni Sison, hindi lang legal protection sa ilalim ng Refugee Convention at European Convention on Human Rights ang kaniyang tinatamasa kundi maging ang moral at political support at proteksyon sa The Netherlands.
Payo pa ni Sison, itigil na ni Pangulong Duterte ang akniyang acts of state terrorism, at mga paglabag sa national at democratic rights ng mga Filipino.