Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, hindi nagbabawal ng batas ang premature campaigning kaya hinahayaan ito ng ahensya.
Pero kapag panahon na anya ng kampanya ay bawal na ito at karamihan sa mga nakapaskil sa mga kandidato ay paglabag sa campaign rules.
Kabilang sa posibleng paglabag ang campaign materials na hindi nakalagay sa common poster areas na itinalaga ng Comelec.
Gayundin ang poster na mas malaki sa pinayagang sukat na 2 feet by 3 feet habang ang streamer sa rally ay dapat na hindi lampas ng 3 feet by 8 feet.
Dapat na nakalagay ang mga campaign materials ng hindi mas maaga sa 5 araw bago ang event at tanggalin sa loob ng 24 oras matapos ang event.
Ayon sa Comelec, sinuman ay pwedeng mag-report ng illegal campaign materials.
Dapat na kunan ng publiko ng litrato ang materyal at i-post ito sa social media na may hashtag #SumbongSaComelec.
Dapat may detalye ang nag-post gaya kung paano lumabag ang poster sa Comelec guidelines at kung saan inilagay ang illegal campaign material.
Sinabi ni Jimenez na ang lumabag na kandidato ay bibigyan ng grace period kung kailan dapat nilang tanggalin ang iligal na materyal sa kampanya.