Mabagal na hustisya sa Maguindanao massacre, pinuna ng int’l media group

 

Inquirer file photo/AFP

Binatikos ng isang international media group ang mabagal na pag-usad ng hustisya para sa Maguindanao Massacre.

Ayon sa pahayag ng International Freedom of Expression Exhange (IFEX), nananatiling mailap ang hustisya para sa mga biktima.

Ang IFEX ay samahan ng 104 na organisasyong nagsusulong ng freedom of expression sa 65 na bansa, at isa sa kanilang miyembro ay ang Center for Media Freedom and Responsibility dito sa Pilipinas.

Naniniwala ang IFEX na malaki ang idinadagdag ng mabagal na pagproseso sa kaso, sa namamayagpag na impunity dito sa bansa na hindi lang umano ipinagkakait ang hustisya sa mga biktima, kundi nagtatanim rin ng takot sa lipunan.

Dahil sa lumalaganap na takot na idinulot ng massacre, natitikom ang media at tila nagsusulong ito ng self-censorship o pagpili ng mga inilalabas na impormasyon upang maiwasang sila naman ang mapuntirya.

Sa buong samahan ng IFEX, ginugunita nila ang International Day to End Impunity tuwing November 23.

Hanggang ngayon kasi, wala pa ring nahahatulan sa 193 kataong naakusahang sangkot sa Maguindanao massacre.

18 sa mga akusado ay mula sa angkan ng Ampatuan, habang 80 sa kanila ay nananatiling at large.

Read more...