Ipinanukala ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na taasan pa ang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.
Mula sa ipinasa ng House of Representatives na P230.5 milyon, nais ni Enrile na gawin itong P500 milyon.
Ayon kay Enrile, masyadong mababa ang pondong ilalaan sa bise presidente kaya’t sana ay dagdagan.
Sang-ayon naman si Senate committee on finance chair Sen. Loren Legarda sa nasabing dagdag pondo sa katwirang isa sa kanilang mga kasamahang senador ang maaaring maluklok bilang pangalawang pangulo sa susunod na taon.
Dagdag ni Enrile, hindi dapat maliitin ang OVP lalo pa’t siya ang hahawak ng kapangyarihan oras na may mangyari sa pangulo.
Ilalagak umano niya sa nasabing opisina ang lahat ng mga tinapyas niyang pondo mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Tiniyak naman nina Legarda at Senate President Franklin Drilon na parehong namumuno sa sesyon, na ikukunsidera nila ang panukala ni Enrile.