Aabot sa 30 mga Chinese nationals ang hinuli ng Bureau of Immigration dahil sa pagta-trabaho ng walang kaukulang permit sa bansa.
Sa pagsalakay ng mga tauhan ng BI sa 16 establishmento sa Solemare Parksuites at Aseana Power Station na matatagpuan sa Diosdado Macapagal Boulevard ay huli ang mga Chinese na walang kaukulang work permit.
Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na karamihan sa mga inaresto ay nagtatrabaho sa lugar bilang mga cook, vendors at salon workers.
Ilang araw rin umano nilang inilagay sa surveilance ang lugar bago ang isinagawang raid.
Bukod sa pagkakaroon lamang ng tourist visa ay overstaying na rin sa bansa ang mga hinuling Chinese.
Tiniyak pa ni Morente na magpapatuloy ang kanilang mga ginagawang raid sa mga lugar na pinapasukan ng mga illegal alien sa bansa.
Sa kasalukuyan ay nakakulong sa BI Detention Center sa Bicutan, Taguig City ang mga inarestong dayuhan habang inihahanda ang deportation proceedings laban sa kanila.