Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na pantay ang kanilang ibinibigay na pagtrato sa lahat ng mga nakakulong sa kanilang custodial center sa Camp Crame.
Reaksyon ito ni PNP Human Rights Affairs Office Head CSupt. Dennis Siervo sa pagbatikos sa kanila ng Commission on Human Rights kaugnay sa mahigpit na seguridad kay Sen. Leila De Lima.
Nauna nang sinabi ng CHR na hindi akma ang ginagawang paghihigpit kay De Lima at halos harangin na ang mga pahayag ng mambabatas sa mga miyembro ng media sa tuwing humaharap siya sa hearing kaugnay sa kanyang drug case.
Sa kanyang pahayag, nanindigan si Siervo na ang trabaho nila ay ihatid sa hukuman at bigyan ng seguridad si De Lima at hindi bahagi ng protocol ang pagharap sa media interview.
Bilang patunay, ganung kahigpit rin umanong seguridad ang kanilang ipinatupad noong nasa custodial center pa sina dating Sen. Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
Nilinaw rin ni Siervo na maluwag ang detention cell ni De Lima kumpara sa ibang nakakulong sa Camp Crame.
Meron din umanong sariling garden, library at recreational area ang lugar ni De Lima sa loob ng kampo.
Regular rin umanong nakakapasok sa nasabing pasilidad ang mga staff ng mambabatas kaya nagagawa pa rin niya ng maayos ang kanyang trabaho bilang halal na senador ng bansa.
Kasabay nito, hinamon pa ni Siervo si CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia na magsampa ng kaso laban sa PNP.
Bukas rin umano ang kanyang tanggapan sakaling gusto siyang komprontahin ng nasabing CHR official.
Sinabi pa ni Siervo na gumagawa lang ng kwento ang CHR para masira ang imahe ng PNP sa publiko.