Ibinunyag ng pinaka-mayamang tao sa mundo na si Jeff Bezos na biktima siya ng pamba-blackmail ng tabloid na National Enquirer.
Sinabi ng may-ari ng Amazon at Washington Post na si Bezos na ang National Enquirer ang nasa likod ng mga maling balita tungkol sa paghihiwalay nila ng kanyang misis na si Mackenzie.
Ang nasabing tabloid rin ang nasa likod ng paglalabas ng mga “intimate photos” kasama ang kanyang bagong girlfriend na si Lauren Sanchez na isang TV journalist.
Ito ang nagtulak kay Bezos na pa-imbestigahan ang National Enquirer na kilalang malapit kay US President Donald Trump.
Sa kanyang social media post na lumabas sa Medium, sinabi ni Bezos na tinawagan siya ni Enquirer publisher David Pecker na nagsabing marami pa silang ilalabas na mga hubad na larawan ng negosyante kapag hindi niya ipinatigil ang ginagawang imbestigasyon.
Si Pecker ay kilalang malapit na kaibigan ni Trump.
“Rather than capitulate to extortion and blackmail, I’ve decided to publish exactly what they sent me, despite the personal cost and embarrassment they threaten,” pahayag pa ni Bezos.
Naniniwala rin si Bezos na gusto siyang bweltahan ni Trump dahil sa ilang mga balita na inilabas ng Washington Post na hindi nagustuhan ng US president.
Binigyang-diin rin ni Bezos na pakawala ng Trump administration si Pecker at ginagamit nila ang National Enquirer bilang attack dog sa mga kritiko ng administrasyon.