Itinuro umano ng napatay na hitman si Raymond Dominguez, ang isa sa mga lider ng carnapping sa Central Luzon na utak sa pamamaslang sa isang huwes noong November 11 sa lalawigan ng Bulacan.
Dahil dito, pormal nang sinampahan ng kasong murder ng Bulacan police ang suspek na si Dominguez sa pagpatay sa biktimang si Bulacan RTC judge Wilfredo Nieves.
Ayon kay Sr. Supt, Ferdinand Divina Police Director ng Bulacan bago napatay ang suspek na si Arnel Janoras ay isinalaysay nito sa kanyang extrajudicial confession na kanilang pinatay si judge Nieves batay sa utos ng isang ‘RD’ na initials ng suspek na si Raymond Dominguez.
Tumanggap umano si Janoras ng P20,000 sa ipinangakong P100,000 bilang ‘operational funds’ upang isakatuparan ang pagpatay.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga otoridad ang isang Jay Joson alyas Jepoy na itinuro ni Janoras na driver ng getaway vehicle ng grupo nang isagawa ang pananambang.
Si Joson umano ang malimit na bisita ni Raymond Dominguez sa New Bilibid Prisons at tumatanggap ng utos mula sa carnap ring leader.
Matatandaang noong Sabado, inaresto ng CIDG Bulacan ang suspek na si Janoras sa bahay nito sa Barangay Grace Ville sa San Jose Del Monte City dahil sa pagkakasangkot nito sa pagpatay sa judge.
Gayunman, nang dadalhin ang suspek mula sa Malolos RTC upang isailalim sa inquest sa hiwalay na kaso ng illegal possession of firearms, nagtangka umano itong mang-agaw ng baril kahit nakaposas sa loob ng police car kaya’t napatay ito ng pulis na si PO2 Michael Perez.
Si Judge Nieves ang nagbaba ng hatol na guilty sa kasong carnapping sa suspek na si Raymond Dominguez noong 2012.
Samantala, sa isang police asset naman mapupunta ang 3.5 milyong pisong reward matapos nitong ituro ang kinaroroonan ng mga suspek sa pagpatay kay judge Nieves.