P51M halaga ng shabu, narekober sa Mandaue subdivision

Credit: Cebu Daily News

Ilang pack ng shabu na may timbang na 7.5 kilos at nagkakahalaga ng P51 milyon ang narekober sa bahay sa isang marangyang subdivision sa Barangay Cubacub, Mandaue City, Cebu.

Ang joint operation ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Central Visayas ay nagresulta sa pagka-aresto ni Charlie Fortuna, 24 anyos at tubong Naga City sa Southern Cebu.

Pinangunahan ni Sr. Supt. Remus Medina, hepe ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office sa Central Visayas (RID-PRO7) ang operasyon.

Ayon kay Chief Insp. Ricardo Tero, chief ng Regional Special Operations Group sa Central Visayas (RSOG-7), ang pagkarekober sa malaking bulto ng shabu ay bunsod ng follow-up operation sa pagka-aresto sa drug suspect sa Barangay San Roque na nahulihan ng 30 grams ng shabu.

Minanmanan anya si Fortuna ng 2 buwan hanggang salakayin ang bahay nito kung saan isinasagawa ang operasyon ng droga.

Sinabi ni Tero na posibleng hindi lang simpleng drug pusher si Fortuna at pwedeng isa nang drug dealer.

Nakuha rin ng otoridad kay Fortuna ang nubain ampules na isang narcotic pain killer.

Itinanggi naman ng suspek ang pagka-aresto sa kanya at sinabi nitong nadamay lamang siya.

Nakakulong na si Fortuna sa RSOG-7 headquarters sa Cebu City.

Narito ang video mula sa Cebu Daily News:

Read more...