Arestado ang anim kabilang ang mag-live in partner sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa isang condotel sa Brgy. Poblacion, Makati City.
Ayon kay Chief Inspector Gideon Ines ng Makati City Police Drug Enforcement Unit, ang operasyon ay resulta ng isinagawang interogasyon sa nauna na nilang nahuling suspek.
Itinuro umano nito ang kanyang pinagkukuhaan ng shabu sa condotel.
Bumili ng P3,000 na halaga ng shabu ang mga poseur buyer sa primary target na si Albert Aquino, 31 anyos, isang dishwasher at Mark Anthony Paste, 23 anyos na isang parking assistant.
Matapos nito ay sumugod na ang mga operatiba sa unit at naaktuhang gumagamit ng shabu ang iba pang suspek na nakilalang si Miriam Gunsat, kinakasama ni Aquino, Marcelino Calvis Avenido, at Jovet Conrad.
Arestado rin ang isang Randolf Baste na bumili rin ng shabu kasabay ng poseur buyer.
Nakuha sa mga suspek ang 19 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P50,000.
Mas marami pa sanang shabu ang masasabat ng mga awtoridad kung hindi lamang nai-flush sa banyo.
Mahaharap ngayon ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.