Kinumpirma ni Partido ng Demokratikong Pilipino – Laban (PDP-Laban) President Koko Pimentel na tuloy ang pagtakbo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang Pangulo sa 2016.
Ayon kay Sen. Pimentel, anumang araw bago ang December 10 deadline ay pwedeng magsumite ang kanilang partido ng new certificate of nominations para palitan ni Duterte ang kanilang naunang kandidato na si Martin Diño.
Nang tanungin ng mga mamamahayag na baka magkaroon ng problema si Duterte dahil kandidato sa pagka-Mayor ng Pasay City ang naunang naisumite ni Diño kaagad na sinabi ni Pimentel na naayos na ang nasabing clerical error.
Ipinaliwanag ni Pimentel na kinilala mismo ng Comelec na isa si Diño sa mga kandidato sa Presidential elections.
Tulad ng kanyang ginawa sa Davao City nang siya’y nagsumite ng COC bilang Mayoralty candidate, sinabi ni Pimentel na inaasahan nilang magiging low profile din ang gagawin ni Duterte sa main building ng Comelec sa mga susunod na araw.
Nauna dito ay ipinahiwatig ni Duterte ang kanyang pagtakbo bilang Pangulo ng bansa dahil sa kanyang pagkadismaya sa desisyon ng Senate Electoral Tribunal sa kaso ni Sen. Grace Poe.
Mamayang hapon sa isang pagtitipon sa San Juan ay inaasahang i-aanunsyo na ni Duterte ang kanyang kandidatura sa 2016.