Pagpasa ng panukalang batas na magpapalakas sa karapatan ng mga senior citizen ikinatuwa ni Speaker GMA

Ikinalugod ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang pagkatig ng Senado sa bersyon ng Kamara sa panukalang naglalayong palakasin pa ang karapatan ng mga senior citizen.

Sinabi ni Speaker GMA na masaya siya sa naging pasya ng lahat ng senador na i-adopt ang kanyang inakdang House Bill 8837 o ang batas na lumilikha sa National Commission on Senior Citizens.

Nauna rito lumusot sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala ng walang anumang pagtutol mula sa mga kongresista.

Kapag naging batas ang panukala bubuo ng National Commission on Senior Citizen na magiging responsable sa pagbalangkas at pagpapatupad ng mga polisiya.

Ang nasabi ring komisyon ang lilikha ng plano para sa mga nakatatanda upang masiguro na maibibigay ang serbisyo ng pamahalaan sa mga ito.

Ang NCSC rin ang lilikha sa community-based health and rehabilitation, educational at socio-economic programs para sa mga nakatatanda.

Papalitan nito ang National Coordinating and Monitoring Board na itinatakda na Expanded Senior Citizen Act of 2010 kung saan bubuuin ang NCSC ng isang chairperson at anim na commissioner na magrerepresenta ng geographical regions sa bansa.

Read more...