Video: National Press Club ginunita ang anibersaryo ng Maguindanao Massacre


 

Sa halip na itim, nagsuot ng pula ang mga opisyal at miyembro ng National Press Club sa paggunita ng ika-anim na anibersaryo ng Maguindanao Massacre ngayong araw.

Ang pagsusuot ng pula ay simbolo umano na hindi na nagluluksa kundi galit na galit na ang mga mamamahayag at mga kaanak ng mga biktima ng Maguindanao massacre dahil sa napakahabang panahon na ang nakalipas pero wala pa ring nangyayari sa kaso.

Bilang paggunita ng madugong pagpatay anim na taon na ang nakakaraan nagsuot ng pulang T-shirt at may nakalagay na ‘Sinungaling Ka’ bilang patungkol kay Pangulong Benigno Aquino III dahil sa umano’y naudlot na pangako nito na mapabilis ang kaso.

Ayon kay Joel Egco, National Press Club President, hanggang ngayon ay wala umanong nangyayari sa kaso at walang malinaw na direksyon sa kahahantungan nito sa ilalim ng pamumuno ni PNoy.

Isang indikasyon umano dito, maliban sa Maguindanao Massacre ay nagpapaapatuloy na media killings sa ilalim ng pamamahala ni PNoy.

Matapos ang programa sa tanggapan ng NPC sa Intramuros Maynila, dumeretso ang grupo sa Mendiola.

Pinangunahan ni Egco at ni NPC Vice President Benny Antiporda ang pagmamartsa mula NPC Grounds sa Intramuros, hanggang Mendiola kasama ang mga mamamahayag para kalampagin ang bagong kalihim ng Department of Justice na tutukan at aksyunan ang kaso.

Hinihikayat ni Egco si DOJ Sec. Benjamin Caguioa na huwag gayahin ang naunang kalihim na umano’y tinulugan din ang kaso ng Maguindanao Massacre.

Sa isinagawang pagkilos sa Mendiola, sinunog ng miyembro ng NPC ang effigy ni PNoy na tinawag nilang “Pinoycchio” na may mahabang ilong at sumisimbolo umano na sinungaling si Pangulong Aquino.

Nangako umano kasi si PNoy na tutulong para mabilis na maresolba ang kaso ng 58 biktima ng karumal-dumal na krimen pero patapos na ang termino nito ay wala pa ring nangyayari.

Read more...