PNP: Ikalawang BOL plebiscite, generally peaceful

Midsayap, N. Cotabato | Comelec Photo

Naging mapayapa sa pangkalahatan ang ikalawang plebisito sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Lanao del Norte at North Cotabato ayon mismo sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP spokesperson Sr. Supt. Bernard Banac, hindi napigilan ng magkakahiwalay na pagsabog sa Lanao del Norte noong Martes ang pagdagsa ng mga tao sa polling centers.

Bagaman walang naiulat na nasaktan sa mga pagsabog sinabi ni Banac na agad na rumesponde ang security forces at agad na pinalawig ang seguridad sa iba pang lugar sa lalawigan.

Ayon pa sa police official, 7,312 na pulis at militar ang nagbantay para sa seguridad ng botohan sa Lanao del Norte at North Cotabato.

Sa North Cotabato, nagsimula sa tamang oras o ganap na alas-7:00 ng umaga ang botohan sa 2,054 na polling precincts para sa 286,867 rehistradong botante.

Sa bayan ng Aleosan sa North Cotabato, isang 32-anyos na magsasaka ang naaresto matapos itong mamataang may dalang baril sa kanyang sling bag.

Samantala, kahit hindi kasama sa botohan ang Iligan City, dalawang police personnel ang naaresto sa isang PNP checkpoint sa bahagi ng C3 Road, Tomas Cabili.

Ang dalawang pulis na nakilalang mga miyembro ng Pantar police ay may dalang mga baril na walang clearance mula sa Comelec.

Read more...