Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang ‘Anti-Elder Abuse Bill.
Sa botong 176 na Yes at walang pagtutol lumusot ang HB 7030 na naglalayong protektahan ang mga senior citizens sa anumang uri ng pang-aabuso.
Sakop nito ang pagbibigay proteksyon sa mga matatanda laban sa physical, psychological, mental o emotional abuse, economic o financial abuse, material exploitation, sexual abuse, at pagpapabaya o pag-aabandona sa mga matatanda.
Bibigyan din ng karagdagang karapatan ang mga senior citizens tulad ng pagkuha ng legal assistance mula sa Public Attorney’s Office o PAO at iba pang public legal assistance office, pagbibigay ng support services mula sa DSWD at LGUs, legal remedies sa ilalim ng Family Code at pagkakaloob ng compensatory, moral at exemplary damages sa matandang nakaranas ng anumang uri ng pang-aabuso.
Mahaharap naman sa pagkakakulong at multang P100,000 hanggang P300,000 ang mga mapapatunayang umabuso sa isang senior citizen, habang P5,000 hanggang P10,000 multa naman sa mga barangay officials o law enforcers na hindi sasaklolo o magreresponde sa matandang naabuso.
Ang isang indibidwal na alam na naaabuso ang isang matanda pero bigong ireport ito sa mga otoridad ay mahaharap sa multang hindi bababa sa P10,000.