FOI Bill isusulong ng Malakanyang sa susunod na Kongreso

Puspusang itutulak ng Palasyo ng Malakanyang sa Hulyo o susunod na Kongreso ang Freedom of Information Bill na makailang ulit na naisantabi at hindi man lang napag-usapan sa plenaryo sa nagdaanang pamumuno ni dating House Speaker Alvarez at sa kasalukuyang liderato ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Pahayag ito presidential Communications Asst. Secretary Kris Ablan na siya ring Executive Director ng FOI matapos i-adopt ng mababang kapulungan ang isang resolution na nagbibigay dagdag restriksyon sa pagkuha ng SALN ng mga mambabatas.

Ayon kay Ablan, suportado niya ang naunang pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na maaring labag sa Konstitusyon ang naturang House resolution at taliwas sa isinusulong na transparency and acvountability ng Duterte administration.

Ayon kay Ablan, nakahanap na rin ng kakampi ang palasyo matapos ang presidential endorsement sa FOI.

“Yes we will be more active in July. With our learnings from 2 year implementation, we are revising the FOI bill. We also have found new FOI champions who would push for early passage in Congress,” ayon kay Ablan.

Pero paglilinaw ni Ablan, hindi na kailangan ni Pangulong Duterte na sumulat pa sa kongreso para lamang maisabatas ang FOI bill.

Sa ngayon, nirerepaso na ng palasyo ang panukalang FOI matapos makapulot ng mga leksyon sa dalawang implementasyon nito sa sangay ng ehekutibo.

July 2016 nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order number 2 na magbibigay daan sa full public disclosure sa lahat ng transaksyon sa sangay ng ehekutibo.

Read more...