Seguridad para sa ikalawang BOL plebiscite sa Lanao del Norte, kasado na

Nagpatupad ang Lanao del Norte Provincial Police Office ng mahigpit na seguridad sa mga checkpoint sa mga pangunahing lugar sa lalawigan kasabay ng ikalawang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) ngayong Miyerkules.

Ayon kay Lanao del Norte Provincial Police Office Director Sr. Supt. Leopoldo Cabanag, inutos ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang pagtatalaga ng K-9 units na manggagaling mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Kumpyansa si Cabanag na hindi magtatagumpay ang anumang banta sakaling matalo ang botong “Yes.”

Naniniwala rin ang opisyal na ang banta ay bahagi ng istratehiya para manakot at mapigilan ang mga boboto ng “No.”

Batay sa datos ng mga presinto kada distrito sa probinsya ay mayroong mahigit 334,000 ang boboto sa BOL plebiscite.

Samantala, humiling ang Lanao del Norte PPO ng 751 na tropa mula sa Police Regional Office 10 habang ang PNP Headquarters sa Camp Crame ay nagpadala ng mahigit 1,600 augmentation troops.

Ayon kay Cabanag, kung isasama ang mga miyembro ng Philippine Army na nakatalaga sa lalawigan ay aabot sa mahigit 3,000 ang security force sa plebisito.

Mayroon namang naka-stand by na 400 pulis para palitan ang mga guro sa polling centers na posibleng umatras sa gitna ng botohan.

Read more...