Masangsang na amoy, dulot ng gas leak sa Bagumbayan, QC

 

Mula sa Goole Maps

Tinawag ng mga residente sa Quezon City ang atensyon ng mga otoridad makaraang makaamoy ng masangsang na amoy mula sa isang pabrika Linggo ng hapon, na bunsod pala ng gas leak.

Inalerto ng mga otoridad ang pabrika ng D&L industries na gumagawa ng mga food additives at plastic inputs sa Calle Industria sa Brgy. Bagumbayan ganap na alas 2:35 ng hapon.

Sa isang pahayag, sinabi ng kumpanya na dakong alas 1:48 ng hapon, kumalat na sa buong compound ang nasabing pagtagas na mula sa isang tangke ng monomer sa kanilang Chemrez plastic plant.

Paliwanag nila, nagdulot ng fumes ang init na lumalabas sa tuwing napo-polymerize na ang monomer.

Ang monomer ay material na ginagamit sa paggawa ng polysterene plastic pellets.

Ayon kay Quezon City fire marshal Suprt. Jesus Fernandez, wala namang naitalang namatay o nasaktan sa mga residente ng dahil sa nasabing leak.

Aniya tumulong na rin ang special reaction unit mula sa Libis fire station sa mga bumbero ng kumpanya para kontrolin ang problema.

Napawi na umano ang fumes sa lugar alas 5:30 ng Linggo.

Gayunman, ilang mga residente ng Pasig, ang nagrereklamo pa rin ng masangsang na amoy na nagmula umano sa gas leak.

Read more...