Labintatlong taon simula nang pagplanuhan, nabuo na rin ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nation o Asean ang unified economic community na layong mapalawig ang ang political, social cultural at social integration ng bawat bansa.
Kapwa lumagda sa isang declaration ang sampung lider na kasapi ng Asean na nagbubuo ng isang Asean Economic Community o AEC sa katatapos lamang na Asean Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Itinuturing na ‘landmark’ achievement ang naturang deklarasyon na magsisilbing daan upang mapalakas ang income at employment para sa mga mamamayan ng bawat bansang kasapi ng Asean.
Paliwanag ni Michael G. Plummer, propesor ng international economics ng Europe Center ng John Hopkins University sa Bologna, Italy, magiging hudyat ang hakbang upang mas maging competitive ang mga bansang miyembro ng Asean sa ibang bansa tulad ng China at India sa sektor ng ekonomiya.
Kung dati aniya, nahihirapan ang mga maliliit na bansa na makipagkumpetensya sa China at India, ngayon, magagawa na nitong tumapat sa larangan ng kalakalan.
Pinuri naman ni Malaysian Prime Minister Najib Razak, na host ng Asean summit ngayong taon ang pagbuo ng AEC na magiging hudyat aniya ng biglaang paglago ng ekonomiya ng Asean community.