DOH, nagbabala laban sa paliligo sa Manila Bay

INQUIRER.net Photo | Tere Torres-Tupas

Iginiit ng Department of Health (DOH) na hindi pa rin ligtas at may polusyon pa rin sa Manila Bay kaya delikado pa ring maligo rito.

Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Eric Domingo, sa huling pagsusuri ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay napakataas pa rin ng coliform level kaya huwag munang paliguan ng publiko ang Manila Bay.

Bago ilunsad ang rehabilitasyon sa lugar, ang tubig nito ay may mataas na coliform level na 330 million MPN o most probable number per 100 milliliters.

Ang ligtas na lebel ay nasa 100 MPN per 100 ml.
Ayon sa DOH, pwedeng magkaroon ng sakit sa balat, gastroenteritis, typhoid fever at hepatitis A ang naliligo sa Manila Bay na tinaguriang “Baseco Beach.”

Matagal naman nang ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang paliligo sa Manila Bay sa pamamagitan ng ordinansa.

Read more...