Pamilya ng Maguindanao massacre victims, nawawalan na ng pag-asa

 

Inquirer file photo

Nawawalan na umano ng pag-asa ang mga pamilya ng biktima ng Maguindanao Massacre na makakakuha pa sila ng hustisya sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Ayon sa Justice Now Movement o JNM, wala na silang balitang natatanggap sa pag-usad ng kaso laban sa mga sangkot sa karumal-dumal na krimen.

Giit ni Grace Morales, secretary general ng grupo, mistulang nakalimutan na ni Pangulong Aquino ang una niyang ipinangako noong tumatakbo pa lamang ito sa 2010 presidential election na tututukan ang kaso.

Si Grace ay namatayan ng kanyang mister at kapatid sa massacre.

Binatikos din ni Morales ang aniya’y muling pagpapangako ni LP standard bearer Mar Roxas gayung mismong si Pangulong Aquino ay walang nagawa upang tulungan ang mga biktima ng trahedya.

Tumagal na aniya ng anim na taon ang kaso ngunit wala pa ring ibinababang desisyon ang hukuman na magbibigay sana ng hustisya sa mga biktima.

Ubos na rin aniya ang pondo ng Freedom Fund For Filipino Journalists ng Center for Media Freedom and Responsibility na dati nang tumutulong sa kanila upang maisulong ang mga kaso laban sa mga sangkot sa krimen.

Samantala, problemado naman ang ina ng isa sa mga nasawi rin sa massacre dahil sa kawalan ng pondong pagkukunan upang ipantustos sa limang apo na naiwan sa kanya.

Ayon 65-taong gulang na si ginang Nancy dela Cruz, kung aalukin siyang muli na areguluhin ang kaso ng pagkamatay ng kanyang anak na si Gina, ay posibleng pumayag na ito dahil sa matinding kahirapan sa buhay.

Ngayon ang ika-anim na taong anibersaryo ng karumaldumal na krimen na ikinamatay ng 58 katao.

Read more...