Higit 3,000 pulis titiyakin ang seguridad ng plebisito sa BOL sa Miyerkules

Ipakakalat ang higit 3,000 pulis para tiyakin ang seguridad sa ikalawang plebisito sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Miyerkules, February 6.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde, ang bilang na ito ay posibleng madagdagan pa dahil sa magkakasunod na insidente ng pagbomba sa Mindanao.

Ang ikalawang plebisito ay gaganapin sa lalawigan ng Lanao del Norte maliban sa Iligan City at 28 baranggay at mga munisipalidad ng Aleosan, Carmen, Kabacan, Midsayap, Pikit ay Pigkawayan sa North Cotabato.

Mayroong kabuuang 673,983 rehistradong botante sa naturang mga lugar ayon sa Commission on Elections.

Gayunman, ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, posibleng kaunti lamang ang bumoto sa plebisito dahil sa twin blasts sa Jolo dalawang araw matapos ratipikahan ang BOL.

Tiwala ang hepe ng PNP na mapipigilan ng pulisya ang anumang banta sa seguridad sa plebisito matapos ang mga pag-atake sa Jolo at Zamboanga City.

Tutulong naman ang nasa 10,000 sundalo para palakasin ang seguridad sa plebisito.

Read more...